Home HOME BANNER STORY 2025 nat’l budget pasado na sa Bicam

2025 nat’l budget pasado na sa Bicam

Manila, Philippines – Inaprubahan na ng bicameral conference committee ang pinal na bersyon ng 2025 national budget, na nagkakahalaga ng P6.352 trilyon.

Sa bersyon na ito ay makakatanggap ang Office of the Vice President (OVP) ng P733 milyon sa susunod na taon, na pinapanatili ang budget na inaprubahan ng Senado at ng House of Representatives.

Tinitiyak ng P600 milyong pondo ng serbisyong panlipunan ng OVP na ang ilang programa, tulad ng tulong pinansyal, ay maaaring magpatuloy sa kabila ng mga pagbawas.

Nauna nang nagbabala si Bise Presidente Sara Duterte na ang pagbabawas ng pondo ay maaaring makaapekto sa libreng sakay sa bus at trabaho ng 200 empleyado.

Ang orihinal na panukala na P2 bilyon ay binawasan matapos tanggihan ni Duterte na ipaliwanag ang paggamit ng confidential funds sa mga budget hearing.

Samantala, ang Ayuda para sa Kapos at Kita Program (AKAP) ay makakakuha ng P26 bilyon para sa 2025.

Layunin ng cash aid program na tulungan ang mga minimum wage earners na nahihirapan sa inflation.

Ang pondong ito ay mas mababa sa P39 bilyon na una nang iminungkahi ngunit ibinalik matapos linawin ng mga senador ang layunin at alituntunin nito.

Kaakibat din ng pagpapasa ng Bicameral Conference Committee sa 2025 General Appropriations Bill (GAA) ay ang dagdag na subsistence allowance ng mga sundalo mula sa P150 ay itinaas ito sa P350 o P10,500 kada buwan.

Ito ang inanunsyo ni House Speaker Martin Romualdez matapos ng deliberasyon ng Bicameral Conference Committee sa badyet ng bansa para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P6.352 trillion

Aniya, binigyang prayoridad dito ang ukol sa kapakanan ng mga Pilipino kabilang ang alokasyon ng mga sundalo na kabilang sa agenda ng administrasyong Marcos na masustine ang pag-unlad ng bansa.

“Napakagandang balita na nilagay po natin ang increase of our soldier’s daily subsistence allowance. We increased it from P150 to P350, that is going to be maintained and fully supported para sa ating mga sundalo,” ani Romualdez.

Sinabi pa ng speaker na mismong si Pangulong Marcos ang nagpanukala sna maitaas ang subsistence allowance ng mga sundalo na nakapaloob sa bersyon ng Kamara.

“This is a big step forward in showing our full support for the men and women in uniform. It recognizes their sacrifices and the sacrifices of their families who stand behind them,” he said in a separate statement.

Binanggit naman ni House Committee on Appropriations chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na ang subsistence allowance ng mga sundalo ay may kabuuang alokasyon na P16-bilyon sa 2025 budget. (Meliza Maluntag)