MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senate committee on finance ang panukalang 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ngunit nakasalalay pa sa karagdagang diskusyon at pagsusumite ng hinihinging dokumento.
Ang DPWH ay unang nagpanukala ng P881.31 billion sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP), ngunit bumaba sa P625.78 billion matapos alisin ang mga lokal na pondong para sa flood control dahil sa mga lumabas na substandard o “ghost” projects.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, posibleng mabawasan pa ng P348 billion ang budget dahil sa “red flags” tulad ng duplicate projects, nawawalang station numbers, o mga proyektong bumalik mula sa 2025 General Appropriations Act.
Sa budget hearing, ipinaliwanag ni Public Works Secretary Vince Dizon na 798 sa 946 na flagged projects, na nagkakahalaga ng P11.656 billion, ay na-validate na. Binigyan ni Gatchalian ang DPWH hanggang Oktubre 31 upang ma-validate ang natitirang 148 flagged projects. RNT