MANILA, Philippines – Tiniyak ni House Committee on Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing na hindi gagamitin ang unprogrammed appropriations (UA) sa panukalang P6.793-trilyong 2026 national budget para sa mga flood control project, kalsada, o tulay.
Kasama sa UA na nagkakahalaga ng P243.2 bilyon ang Strengthen Assistance for Social Programs (SASP) na may P45 bilyon para suportahan ang mga programa ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Suansing na ang UA ay may line-item programs, hindi lump sum, at ilalabas lamang depende sa ipon o loan agreements ng pamahalaan.
Aniya rin, mas mababa ng P120.2 bilyon ang UA sa 2026 kumpara sa 2025 na budget.
Ayon pa kay Suansing, ang pag-aalala ng publiko ay dahil sa kawalang-katiyakan tungkol sa UA, at tiniyak niyang may transparency measures, kabilang ang detalyadong breakdown sa SASP. RNT