Home NATIONWIDE 207K estudyante hahasain ng DepEd, DSWD sa pagbabasa sa 2025

207K estudyante hahasain ng DepEd, DSWD sa pagbabasa sa 2025

MANILA, Philippines – Layon ng Departments of Education (DepEd) at Social Welfare and Development (DSWD) na maturuan ang nasa 207,000 estudyante sa pagbabasa sa ilalim ng “Tara, Basa!” program sa 2025.

Ang programa ay opisyal na inilunsad noong Marso kung saan magpapadala ng mga college student para umasiste sa first at second grade public school students na nahihirapang magbasa.

Bilang kapalit ng 20 tutoring sessions, ang mga college student sa programa ay makatatanggap ng work experience at cash batay sa regional minimum wage.

Sa pahayag ng DSWD, nakinabang ang nasa 120,359 college students at elementary learners ng “Tara, Basa!” mula sa Central Luzon, Calabarzon, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Soccsksargen ngayong 2024.

Kabilang din sa programa ang “Nanay-Tatay” learning sessions, na nagsasanay sa mga magulang na suportahan ang edukasyon ng kanilang mga anak.

Sinabi ng DepEd nitong Sabado, Disyembre 21, na makatutulong ito sa programa ng DSWD sa pag-asiste sa logistics, pagtukoy ng mga benepisyaryo, at capacity-building kasama ang Ateneo Center for Educational Development.

Ayon sa DSWD, ang DepEd ang responsible sa pagpili ng mga benepisyaryo batay sa National Assessment on Reading Comprehension at pag-match ng estudyante sa kanilang mga tutor.

Para naman sa DSWD, sila ang mamumuno sa formulation ng programa, pagbibigay ng technical assistance sa pagsasagawa ng capacity-building at payout activities, at pagdisenyo ng social at behavior change communication materials para sa inisyatibo.

Isinapormal ng dalawang departamento ang kanilang partnership sa pamamagitan ng memorandum of agreement na pinirmahan nitong Biyernes, sa DepEd Central Office sa Pasig City.

“Definitely, it will improve the delivery of services with learning and I think the interface with DSWD and DepEd will be very fruitful and productive for our children and young learners,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.

“That is what our goal is: to ease into that culture of not mendicancy but rather nation-building,” ayon naman kay DSWD Secretary Rex Gatchalian.

Ang “Tara, Basa!” ay idineklarang flagship program ng pamahalaan noong Nobyembre. RNT/JGC