Home NATIONWIDE 21 gov’t officials na-stranded sa Israel nakauwi na ng Pinas

21 gov’t officials na-stranded sa Israel nakauwi na ng Pinas

MANILA, Philippines – Dumating na sa Pilipinas nitong Sabado ng umaga ang 21 opisyal ng gobyerno na na-stranded sa Israel dahil sa tumitinding tensyon kontra Iran.

Kabilang sa grupo ang 17 lokal na opisyal—dalawang kongresista, siyam na alkalde, apat na bise alkalde, at dalawang regional director—na dumalo sa training sa agricultural technology, at apat na eksperto sa dairy ng Department of Agriculture.

Nagsimula ang training noong Hunyo 10 at inaasahang matatapos sana Hunyo 20, ngunit naantala ang kanilang pag-uwi matapos isara ang airspace ng Israel.

Sinalubong sila ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa NAIA Terminal 3 at pinasalamatan ang mga embahada ng Pilipinas sa Israel at Jordan, pati na ang gobyerno ng Israel, sa mabilis na koordinasyon.

Mula sa kanilang tinuluyang kibbutz, bumiyahe sila patungong Amman, Jordan, lumipad pa-Dubai, at sumakay ng commercial flight pauwi ng Maynila. RNT