MANILA, Philippines – Ipinasara ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang MC Hotel sa Barangay Novaliches Proper matapos itong maaktuhang nagpapapasok ng mga menor de edad at nagsisilbi sa kanila ng alak.
Ayon kay BPLD head Margie Mejia, nasagip ang 20 menor de edad—13 babae at 7 lalaki—na may edad 13 hanggang 17 sa isinagawang raid noong Hunyo 18.
Isinagawa ang pagsasara ng hotel noong Hunyo 19 sa tulong ng Social Services Development Department at PNP-Women and Children Protection Center.
May mga nakasamang matatanda ang mga menor ngunit bigong magpakita ng dokumentong nagpapatunay na sila ay legal na tagapag-alaga.
Ayon kay Mejia, naging “nuisance establishment” na ang MC Hotel at may mga naiulat na kahina-hinalang aktibidad sa social media.
Binawi ng lungsod ang business permit ng hotel dahil sa paglabag sa mga ordinansa, kabilang ang pagbabawal sa pagpasok ng menor de edad sa hotel na walang legal guardian at ang pagbebenta sa kanila ng alak.
Itinanggi ng may-ari ng hotel na si Evelyn Cho ang mga paratang ngunit pinayuhang magsumite ng apela. Santi Celario