INDONESIA — Patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad sa Indonesia sa 21 kataong nawawala matapos ang dalawang magkahiwalay na insidente ng paglubog ng bangka sa mga lalawigan ng Papua at East Nusa Tenggara.
Sa ulat ng lokal na media, isang speedboat na may lulang 21 pasahero ang tumaob noong Miyerkules ng gabi sa Yapen Islands Regency sa Papua habang patungo mula Serui City patungong Waindu.
Ayon sa paunang imbestigasyon, malalakas na hangin at mataas na alon ang itinuturong sanhi ng aksidente.
Tatlong pasahero ang nailigtas, isang bangkay ang narekober nitong Sabado ng hapon, habang 17 pa ang nananatiling nawawala.
Samantala, sa hiwalay na insidente sa East Nusa Tenggara, apat na turistang Espanyol ang patuloy pang pinaghahanap matapos lumubog ang sinasakyan nilang tourist boat malapit sa Padar Island sa loob ng Komodo National Park noong Biyernes ng gabi. RNT/JGC