MANILA, Philippines – ASAHAN na ang pagpapatupad ng taas presyo sa produktong diesel at kerosene na magiging epektibo sa susunod na linggo.
Batay sa inilabas na magkakahiwalay na abiso ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp., pananatilihin nilang hindi magbabago ang presyo ng kada litro ng gasolina, habang itataas ang presyo ng diesel at kerosene ng P0.60 kada litro.
Ipapatupad ng Cleanfuel at Petro Gazz ang pagbabago ng nasabing presyo maliban sa produktong kerosene na hindi nila ibinebenta.
Nauna nang tinantiya ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na magkakaroon ng rollback para sa gasolina, walang pagbabago para sa diesel, at pagtaas ng kerosene dahil sa global oversupply, mahinang demand, at geopolitical tensions.
Matatandaan na ang mga retailer noong nakaraang linggo ay nagbawas ng presyo ng P0.80 kada litro para sa gasolina, P1.30 para sa diesel at P1.60 para sa kerosene, na nag-iiwan ng year-to-date adjustments sa mga netong pagtaas ng P20.50 bawat litro para sa gasolina, P20.25 para sa diesel at P4.95 para sa kerosene. JAY Reyes