BULACAN – Nasa P6,622,235.56 halaga ng iligal na droga ang nasamsam habang 213 indibiduwal ang naaresto sa buy-bust operation ng pulisya sa Gitnang Luzon kabilang ang lalawigang ito.
Sa report na nakarating kay PRO3 Regional Director PBGEN Redrico Maranan, ikinasa ang operasyon ng pulisya mula Disyembre 2 hanggang Disyembre 8.
Nabatid na umabot sa 121 ang ikinasang operasyon na ikinahuli ng 213 indibiduwal sa ibat-ibang panig ng Gitnang Luzon kabilang ang Bulacan.
Nakumpiska sa naturang mga operasyon ang 969.57 grams na shabu at 243.74 gramo na marijuana na may kabuuang halaga na P6,622,235.56.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa mga yunit at istasyong humuli sa kanila. Dick Mirasol III