MANILA, Philippines- Nasa 200 manggagawa at 16 sa kanilang employers ang nadakip sa pagsalakay sa isang illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Ayala Avenue, Makati City nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), nag-ugat ang operasyon sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Makati City Police, sa arrest warrant na isisilbi sa isang indibidwal na wanted sa robbery sa ika-21 palapag ng gusali kung saan nahuli ng mga awtoridad ang mga suspek na nagsasagawa ng kanilang ilegal na POGO activities.
“Pumasok nga sila bumungad nga itong mga computers na ito na nagpapatakbo ng isang online gaming. Nung chineck nga natin with the Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) lumalabas na wala nga ‘tong lisensya sa PAGCOR,” pahayag ni PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz.
Ipinaliwanag niya na nangangasiwa ang POGO ng online gaming services sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Japan, China, Germany, France, Indonesia, Spain, Thailand, Vietnam, at Portugal.
Dagdag ni Cruz, sangkot din ang kompanya sa cryptocurrency transactions.
Naaresto ang nasa 200 empleyado na iba’t iba ang lahi sa raid, kabilang ang mga Filipino, Chinese, Japanese, Malaysians, Taiwanese, Brazilians, at Hong Kong nationals.
Samantala, 16 sa kanilang employers, lahat ay Chinese nationals, ang nadakip din sa operasyon.
“Nahuli naman natin lahat pati yung 16 na bosses. Nakita natin na nagcoconference pa nung inabot natin. Meron lang silang tinatwag na kill switch na pag pinatay nila yun mamamatay ‘yung majority of the computers,” ani Cruz.
“Yung mga text blasters ginagamit ‘yan sa scamming operation — ‘yung mga nagkakalat ng text blast na nagsasabi kung anong gagawin nila, ‘yung marketing scheme ng POGO operation nila and then ‘yung IMSI-catcher, ‘yan ‘yung mga humihigop, kumukuha ng data natin, ng mga cellphones na nasasagap sa paligid,” dagdag ng opisyal.
Makikipag-ugnayan umano sila sa Bureau of Investigation (BI) upang masuri kung ang nahuling foreign nationals ay mayroong working permits. RNT/SA