MANILA, Philippines – Umabot na sa 216 ang inaresto at 95 pulis ang nasugatan sa anti-corruption rally sa Maynila nitong Linggo, ayon sa Manila Police District (MPD).
Kabilang sa mga paglabag ang paghahagis ng bato, pagsira ng ari-arian, at pagsusunog ng gulong sa Ayala Bridge, Mendiola, at Recto.
Ilan sa mga nadakip ay menor de edad na dinala sa Manila Reception and Action Center o isinailalim sa determination of discernment.
Ayon sa pulisya, karamihan sa sugat ay hiwa at galos, ngunit isang pulis ang posibleng ma-ospital dahil sa nasal fracture. Ilan ay dinala sa PNP General Hospital.
Mariing itinanggi ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) president Renato Reyes na kasali ang kanilang grupo sa gulo.
Siya mismo ay nasugatan matapos tamaan ng bato at iginiit na ibang galit na grupo ang nagsimula ng kaguluhan.
Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na karamihan sa mga nakamaskarang nambato sa pulis ay mga menor de edad.
Nagsimula ang gulo nang mag-apoy ng gulong at maghagis ng bato, bote, at pintura ang ilang kabataan. RNT