MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na nagpaputok ng baril o gumamit ng tear gas ang kanilang tauhan sa protesta sa Mendiola noong Setyembre 21.
Ayon sa Manila Police District (MPD), mga “pasaway na raliyista” umano ang naghagis ng molotov. “Wala, hindi natin gagawin ‘yun at kung sana mayroong nangyari, may report na tayo na may ganyang incident,” pahayag ni MPD spokesperson Police Major Philipp Ines.
Kumalat online ang mga video na umano’y nagpapakita ng MPD SWAT na nakatutok ng baril sa isang raliyista, at isa pang clip ng taong duguan sa kalsada.
Giit ng MPD, wala pa silang natatanggap na ulat ng pagpapaputok ng pulis o pagkamatay ng raliyista.
Batay sa datos ng PNP, mahigit 100 pulis ang nasugatan at 20 ang na-ospital.
Ayon naman sa Department of Health, 48 katao ang dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center, kabilang ang isang nasawi dahil sa saksak na iniimbestigahan pa kung may kinalaman sa protesta. Santi Celario