MANILA, Philippines – Hindi na nakapalag ang isang tulak na High-Value Individual (HVI) nang dambahin ito ng pulisya matapos masamsaman ng halos P700,000 halaga ng shabu sa naganap na buy bust operation, napaulat sa Valenzuela City.
Batay sa report na ipinarating sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Ulo”, 22, ng Brgy., Gen T De Leon ng nasabing lungsod.
Nag-ugat ang pagkakaaresto kay alyas “Ulo” matapos makarating sa kaalaman ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang iligal na aktibidades ng una.
Bunsod nito, agad na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng SDEU at ng PDEA ang buy bust operation.
Hindi na nakapalag ang suspek nang dambahin ng mga tauhan ni Lt. Dascil makaraang bentahan ng P7,500 halaga ng shabu ang katransaksyon na pulis na nagpanggap na buyer alas-2:10 ng madaling araw sa ilalim ng footbridge sa West Service Road, Brgy., Paso De Blas.
Nakuha sa kanya ang limang plastic sachets na naglalaman ng nasa 100 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680,000, buy bust money at isang motorsiklo na gamit umano nito sa pagdedeliver ng droga. Merly Duero