Home NATIONWIDE 22% ‘involuntary hunger’ survey ng SWS epekto ng sunud-sunod na kalamidad –...

22% ‘involuntary hunger’ survey ng SWS epekto ng sunud-sunod na kalamidad – Malakanyang

299
0

MANILA, Philippines – Ipinaalala ng Malakanyang sa publiko ang sunod-sunod na kalamidad na naranasan ng mga mamamayan ang dahilan para maapektuhan ang patuloy na pagta-trabaho ng gobyerno lalo na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maipababa ang hunger rate sa bansa.

Tugon ito ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Miyerkules, Nobyembre 5, 2025 na mas maraming pamilyang filipino ang nakaranas ng gutom sa ikatlong kwarter ng 2025.

“Huwag po natin kalimutan na sunud-sunod ang kalamidad na naranasan ng mga kababayan po natin – nakaapekto po ito sa patuloy po na pagtatrabaho ng ating pamahalaan lalung-lalo na po ang DSWD para po maipababa ang hunger rate ng bansa,” ayon kay Castro.

Sa kabilang banda, ang survey aniyang ito ay makakatulong naman at maikukumpara at maibabangga sa data na nakukuha mismo ng gobyerno.

“At tandaan po natin, hindi naman po tumitigil ang ating pamahalaan sa mga programa tulad ng mga Walang Gutom Program, Special Feeding Program, SIL at iyong binanggit po natin kahapon na tungkol a mga kahirapan,” ang pahayag ni Castro.

“Kaya po siguro naranasan natin ito because of the calamities na sunod-sunod, hindi po isa eh sunod-sunod po iyong nararanasan natin,” aniya pa rin.

Batay sa resulta ng survey, 22% ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger—o ang pagkagutom at walang makain—sa loob ng ilang beses sa nakalipas na tatlong buwan.

Mas mataas ito ng 5.9 puntos kumpara sa 16.1% na naitala noong Hunyo 2025, na nagsilbing pagputol sa pagbaba ng antas ng gutom na naobserbahan sa mga unang buwan ng taon.

Tumaas ang bilang ng mga nakaranas ng gutom sa lahat ng pangunahing rehiyon. Pinakamataas ang antas sa Metro Manila sa 25.7%, sinundan ng Balance Luzon sa 23.8%, Mindanao sa 19.7%, at Visayas sa 17.7%.

Ang karaniwang antas ng gutom para sa unang tatlong kwarter ng 2025 ay nasa 20.2%, halos kapantay ng naitalang antas noong 2024 at bahagyang mas mababa sa 21.1% na pinakamataas na naitala noong 2020 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Isinagawa ang Third Quarter 2025 Social Weather Survey mula Setyembre 24 hanggang 30 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 Pilipinong edad 18 pataas mula sa iba’t ibang panig ng bansa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here