Home SPORTS 22 Olympians nakakuha ng P42M mula sa House

22 Olympians nakakuha ng P42M mula sa House

MANILA, Philippines — Naganap ang isang red carpet affair sa House of Representatives noong Miyerkules nang kilalanin ng Kamara ang 22 Pinoy na sumabak sa katatapos na Paris Olympics.

Nakatanggap ang lahat ng 22 Olympians ng kabuuang P41.51 milyon na cash, bukod pa sa P43 milyon na natanggap ng mga atleta mula Malacanang sa kanilang pagdating noong Martes ng gabi.

Ang malaking bahagi ng cash reward siyempre ay napunta kay gymnast na si Carlos Yulo para sa kanyang dalawang gintong medalya.

Nakatanggap si Yulo ng kabuuang P14.51 milyon mula sa Kamara: P6 milyon para sa kanyang dalawang ginto sa gymnastics at karagdagang P8.01 milyon mula sa mga personal na kontribusyon ng mga miyembro ng Kongreso, bukod pa sa P500,000 na natanggap niya bago umalis patungong Paris.

Ang mga bronze medalist na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas ay tumanggap ng tig-P1 milyon para sa kanilang bronze medal boxing events at karagdagang P2.5 milyon bawat isa mula sa kontribusyon ng mga miyembro ng Kamara, bukod pa sa P500,000 na kanilang natanggap bago umalis patungong Paris.

Ang natitirang 19 Olympians ay tumanggap ng kabuuang P1 milyon: P500,000 bago umalis ng bansa at P500,000 sa seremonya noong Miyerkules.

Kinatawan ng 22 atleta ang bansa sa siyam na iba’t ibang sports, sila ay  sina: Yulo, Aleah Finnegan, Emma Malabuyo at Levi Jung-Ruivivar para sa artistikong himnastiko; Villegas, Petecio, Hergie Bacyadan, Carlo Paalam at Eumir Marcial para sa boxing; Ernest John Obiena, John Cabang-Tolentino at Lauren Hoffman para sa athletics; Vanessa Sarno, John Ceniza at Elreen Ann Ando para sa weightlifting; Joanie Delgaco para sa paggaod; Samantha Catantan para sa fencing; Kayla Sanchez at Jarod Hatch para sa swimming; Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina para sa golf; at Kiyomi Watanabe para sa judo.

Noong nakaraang linggo, pinagtibay ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang House Resolution No. 1864, na pinagsama-sama sa iba pang mga resolusyon na nagbibigay kay Yulo ng Congressional Medal of Excellence.

Iginawad din ng Kamara ang Congressional Medal of Distinction kay Petecio, na nanalo ng bronze sa 57-kilogram boxing event, at Villegas, bronze medal winner sa 50-kg boxing competition.