Home HOME BANNER STORY Tulong-pinansyal sa distressed OFWs itataas

Tulong-pinansyal sa distressed OFWs itataas

163
0

MANILA, Philippines- Sa kabila ng mandatory assistance mula sa gobyerno, ang distressed overseas Filipino workers o OFW ay humaharap pa rin sa mga hamon sa pinansyal kapag sila ay dumarating sa bansa.

Matapos mapagtanto na maliit lamang ang tulong-pinansyal ng gobyerno, inaprubahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagbibigay ng mas mataas na tulong mula sa Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund.

Ang tulong pinansyal noon ay P30,000 lamang maliban sa mga OFW na namatay at nakauwi mula sa mga bansang nasalanta ng digmaan, at mga barkong inatake ng mga rebelde o naapektuhan ng anumang sigalot.

Sa inilabas na Department Order ng DMW sa media noong Miyerkules, Agosto 14, nakasaad na ang mga OFW na lubhang naapektuhan o nawalan ng tirahan dahil sa pagbagsak ng ekonomiya ng kanilang host country ay makakatanggap na ng P50,000 na one-time na assistance.

Ang parehong halaga ay naaangkop para sa mga OFW na biktima ng mga pang-aabuso, pananamantala, pagmamaltrato, paglabag sa kontrata, ilegal na recruitment at human trafficking at mga natural na kalamidad sa host country.

Parehong halaga ang ibibigay sa pamilya ng mga OFW na nakakulong at nagsisilbi sa kanilang sentensya sa ibang bansa.

Nagbibigay din ang Department Order ng P75,000 isang beses na tulong para sa mga OFW na may malubhang karamdaman, pinsala o kondisyon sa kalusugan ng isip at mga nakaranas ng pang-aabuso/pananamantala na nagreresulta sa pisikal na kapansanan, pinsala, o kondisyon ng kalusugan ng isip.

Saklaw din ng tulong-pinansyal ang mga OFW na nawalan ng tirahan dahil sa digmaan, kaguluhan sa politika at/o iba pang pambihirang pangyayari; at, ang susunod na kamag-anak ng mga OFW sa death row.

Kabuuang P100,000 na isang beses na tulong, sa kabilang banda, ang ibibigay sa mga kamag-anak ng OFW na pumanaw sa host country dahil sa natural o aksidenteng mga dahilan, at ang mga pumanaw sa loob ng isang taon mula sa pagdating sa Pilipinas.

“The mode of payment of the financial assistance shall be in various forms, such as onsite through the MWO (Migrant Workers Office), at the airport upon arrival of the OFWs, at the DMW Central Office and its Regional Offices, through bank transfer, cash, money remittance or any other cost-effective mode that can be utilized, subject to existing banking rules and regulations,” saad sa kautusan.

“Bank charges, remittance costs and other related administrative expenses shall be charged against the AKSYON Fund,” ayon pa sa Department Order. Jocelyn Tabangcur-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here