NEW DELHI, India – Aabot sa 21 katao ang nasawi matapos sumiklab ang sunog sa isang hotel sa Delhi, India nitong Miyerkules, ayon sa pulisya.
Ang hotel ay matatagpuan sa Malviya Nagar sa southern Delhi, isang lugar na kilala bilang residential area para sa mga estudyante at young professionals.
Ayon sa mga awtoridad, hindi bababa sa 40 katao ang nailigtas mula sa gusali.
Makikita sa mga video ang matinding apoy at makapal na usok na nagmumula sa gusali, habang ilang residente ang nanonood mula sa makitid na eskinita malapit sa lugar.
May mga ulat din na ilang tao ang tumalon mula sa mas mataas na palapag upang makaligtas.
Sinabi ng lokal na opisyal na si Jitendra Kumar na posibleng nagsimula ang sunog sa isang restaurant sa ground floor ng gusali, ngunit patuloy pa ang imbestigasyon.
Nagpaabot ng pakikiramay si Indian Prime Minister Narendra Modi sa mga naulila at hiniling ang agarang paggaling ng mga sugatan. RNT/MND