Kaagad kinalampag ni Senador Loren Legarda ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na tulungan ang 220 filipino overseas workers na pinatawad ng Kaharian ng United Arab Emirates (UAE) kamakailan.
Kasabay nito, pinuri din ni Legarda ang pagkaka-pardon sa 220 Filipinong nakapiit sa United Arab Emirates ni Pangulong Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan noong nakaraang buwan.
Binigyang-diin ni Legarda na habang ang pardon ay isang mahalagang hakbang sa pasulong, kailangan nitong samahan ng komprehensibong hakbang upang matulungan ang na-repatriate na muling makabalik sa lipunan at buuin ang kanilang buhay.
“Habang buong-puso naming na tinatanggap ang pagpapalaya at nalalapit na repatriation ng 220 na Pilipino, kailangan din nating magtuon ng pansin sa pagtiyak na mabibigyan sila ng kinakailangang suporta upang matulungan silang makabawi at muling makapag-ugnay sa lipunan,” ani ng senador.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan at kasanayan upang matulungan silang makabangon ang mga dating Persons Deprived of Liberty (PDL).
“May programa ang pamahalaan tulad ng DOLE Kabuhayan, at may trainings din ang TESDA para naman sa mga nagnanais mag-iba ng linya ng trabaho,” dagdag niya.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), naganap ang pardon kasabay ng ika-53 National Day ng UAE. Dahilan ng UAE ay ang malalim na relasyon nito sa Pilipinas, na sinundan ang pag-pardon sa 143 Pilipino noon namang Eid’l Adha.
Kasalukuyang inaayos ng DFA at Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi ang kaukulang papeles para sa agarang pagpapauwi sa na-pardon.
Dapat ding tulungan sa pag-aaral ang mga anak ng na-pardon na Pilipino, ani Legarda.
“Ang pagkakaroon ng scholarship programs para sa mga anak ng mga walang trabaho at napardonang Pilipino ay isang kongkretong hakbang patungo sa reporma, at makatutulong ito na maibsan ang kanilang pinansyal na pasanin,” sabi ni Legarda.
Isinulong ni Legarda ang pagsasabatas sa OFW Remittance Act at ang naamyendang Social Security Act, na saklaw na ang mga OFW sa mga benepisyo.
Itinulak niya rin ang pagkakapasa ng Overseas Voting Act of 2003, pati na ang Magna Carta for Seafarers law. Ernie Reyes