Home HOME BANNER STORY P2.6B dried mango con shabu nasawata ng BOC

P2.6B dried mango con shabu nasawata ng BOC

TINATAYANG nasa mahigit P2.6 bilyon halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), dalawang linggo na ang nakararaan sa Port of Manila (POM).

Ayon sa BOC, noong Enero 23 ay natuklasan ang nasa 407 pakete ng crystal meth o “shabu” na nakatago sa packaging ng dried mango.

Ang mga paketeng ito ay natagpuan sa 58 mga kahon na dumating sa bansa kung saan may kasama pa itong nasa 640 mga kahon pa.

Nabatid na ang bawat pakete ng shabu ay tumitimbang ng isang kilo, at ang 407 pakete ay may kabuuang 407 kilo.

“With the current street market value of shabu at P6.5 million per kilogram, the total value of the seized illegal drugs amounts to ₱2,645,500,000,” ayon sa BOC.

Nabatid sa BOC na ang mga nasabing kargamento ay nagmula sa Pakistan at idineklara na naglalaman ng mga Crispo Vermicelli at Rafhan Custard sauce.

Batay sa “derogatory information” mula sa National Bureau of Investigation (NBI), gumawa ng alert order ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) laban sa kargamento, na humantong sa kumpirmasyon ng mga puslit na droga.

Nahaharap sa inquest proceedings ang limang suspek sa umano’y kasong pagpupuslit ng droga at nakabinbin ngayon ang mga kasong kriminal sa regional trial court (RTC) sa Maynila.

Kinilala sila ng Department of Justice (DOJ) National Prosecution Service na sina Oscar Campo Berba ng Redshinting Consumer Goods Trading, customs brokers na sina Kevin Lee Manuel Arrio at Richard Perlado Aguantar, kasama ang chairman ng Ark Global Movers na si Karen Villaflor Sacro at president Rey Baysa Gujilde.

Iniulat naman ni Juvymax Uy, deputy commissioner para sa intelligence group, na opisyal na itinurn-over sa PDEA ang hinihinalang shabu para sa laboratory examination at kustodiya nito.

Nabatid na naglabas ng seizure order ang district collector ng POM laban sa nasabing kargamento dahil sa customs violations, kung saan ang mga consignee, nagpadala, at recipient ay nahaharap sa mga kaso para sa misdeclaration at prohibited importation sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Samantala, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) na nagbunga sa pagkakaaresto ng brokers/consignees/faciltatos na sangkot sa illegal na transaksyon. JR Reyes/Jocelyn Tabangcura-Domenden