MANILA, Philippines – Dinakip ng pulisya ang isang 67-anyos na lalaki sa Angono, Rizal noong Martes matapos matuklasang may bisa ang kanyang arrest warrant kaugnay ng kasong attempted rape sa isang 16-anyos na dalagita.
Ayon sa Rizal Provincial Police, nahuli ang akusado nang kumuha siya ng police clearance para sa kanyang trabaho bilang taxi driver. Natukoy ng clearance personnel ang kanyang outstanding warrant, kaya agad siyang inaresto.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente noong 2015 sa Binangonan, Rizal. Ayon kay Rizal Police Director Col. Felipe Maraggun, dinala umano ng suspek ang biktima—pamangkin ng kanyang kaibigan—sa isang motel. Nagpumiglas ang dalagita at nakatakas, dahilan upang maisampa ang kaso laban sa akusado.
Sa kanyang pahayag, itinanggi ng suspek ang panggagahasa ngunit inamin niyang may balak siyang pagsamantalahan ang biktima. Iginiit pa niya na may relasyon sila ng dalagita, bagay na hindi pinaniniwalaan ng mga awtoridad.
Sa ngayon, nakakulong ang akusado sa custodial facility ng Angono Municipal Police Station habang inaantay ang pag-usad ng kaso laban sa kanya. RNT