MANILA, Philippines – Tinatayang nasa P4 bilyong halaga ng mga proyekto ng Department of Education (DepEd) ang naapektuhan ng pagtigil ng mga programa ng United States Agency for International Development (USAID).
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Roger Masapol, may limang pangunahing proyekto sa ilalim ng USAID na sumusuporta sa edukasyon at imprastraktura, kabilang ang ABC+ (USD47.5M), Opportunity 2.0 (USD37.5M), Gabay (USD2.77M), ILO-Ph (USD5M), at Urban Connect (USD1.25M). Sa kabuuan, umaabot sa USD94.02 milyon o halos P4 bilyon ang pondo mula sa USAID.
“Nakakapanghinayang lang kasi nakatake-off na ang mga proyekto natin, pero may ganitong order,” ani Masapol sa isang panayam sa Teleradyo Serbisyo noong Pebrero 5.
Gayunpaman, tiniyak niyang hindi titigil ang mga programa ng DepEd at naghahanap na sila ng alternatibong pondo upang maibsan ang epekto nito sa mga paaralan at mag-aaral.
Bilang tugon, isinama na ng DepEd ang mga inisyatibang ito sa 5-Point Agenda ni Education Secretary Sonny Angara upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga reporma sa edukasyon.
Ayon kay Masapol, ang pagkaantala ng USAID-funded projects ay maaaring makaapekto sa bilis ng implementasyon ng mga pagbabago sa sektor ng edukasyon. Santi Celario