MANILA, Philippines – Higit 200 pasahero at crew ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang pampasaherong barko na nagkaproblema habang naglalayag sa Pangasinan Island, Basilan umaga ng Lunes, Pebrero 2.
Nakaranas umano ng problema sa rudder ang ML AS Express 2 bandang 4:47 ng umaga kung saan napadpad din ito sa mababaw na bahagi ng katubigan.
Patungong Sulu galing Zamboanga City ang sasakyang pandagat nang humingi ito ng saklolo dahil sa aberya.
Agad namang nakaresponde ang BRP Tubbataha na kabahagi sa search and rescue operations sa MV Trisha Kerstin 3.
Inilipat ng crew ng Tubattaha ang 128 na sakay ng nasirang barko habang nanatili ang iba pa kasama ang crew.
Hanggang kanina, patuloy ang paglalayag ng BRP Tubattaha pabalik ng Zamboanga City habang hatak ang ML AS Express 2 kung saan doon ibababa ang lahat ng apektadong pasahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden