Home METRO Doktora butas-bungo sa Naga; P1M pabuya inialok

Doktora butas-bungo sa Naga; P1M pabuya inialok

NAGA CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkamatay ni Dr. Rajean Monnette Romualdez, 36, na natagpuang may tama ng bala sa ulo sa loob ng isang nakaparadang sasakyan malapit sa Bureau of Internal Revenue at Bicol Medical Center (BMC) noong Pebrero 16.

Bumuo ang Naga City police ng Special Investigation Task Group (SITG) upang mapabilis ang imbestigasyon, kabilang ang pangangalap ng pahayag mula sa mga kaanak at kakilala ng biktima at pagsuri sa mga CCTV footage sa lugar.

Hinahanap rin ang isang person of interest, na siyang huling nakasama ng biktima.

Nagpahayag ng pagluluksa ang BMC, kung saan si Dr. Romualdez ay naging dating chief resident ng OB-Gyne, at inilarawan siyang isang masipag at may malasakit na lider na nag-iwan ng malaking epekto sa ospital at sa kanyang mga pasyente.

Dumating na sa Naga City ang kanyang pamilya para sa burol at nanawagan sila sa person of interest na lumantad upang makatulong sa paglilinaw ng kaso.

Samantala, isang kandidato sa Kongreso ang nag-alok ng ₱1-milyong pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon na magdudulot sa pagkakahuli ng salarin. RNT