Home METRO Putol na paa umalingasaw sa tambakan ng basura sa Cebu

Putol na paa umalingasaw sa tambakan ng basura sa Cebu

TALISAY CITY, CEBU – Isang putol na paa ng tao ang nadiskubre sa tambakan ng basura sa Barangay Tapul noong Pebrero 12, 2025.

Ang bahagi ng katawan ay natagpuan sa loob ng isang kahon ng mga naghahanap ng mapapakinabangang basura, na agad ipinaalam sa barangay at pulisya.

Lumabas sa imbestigasyon na ang paa ay galing sa isang ospital, subalit hindi malinaw kung paano ito napunta sa landfill.

Ayon sa Department of Health (DOH) Region 7, wala pang natatanggap na pormal na reklamo, ngunit ipinasuri na ang labi dahil sa posibleng panganib sa kalusugan.

Ayon sa Talisay City Police, nagkaroon umano ng miscommunication sa pagitan ng ospital at garbage collector.

May dalawang klase ng ospital waste: general waste at pathological waste, kung saan kabilang ang mga medikal na gamit at pinutol na bahagi ng katawan.

Sa halip na mapunta sa tamang waste disposal provider, naisama ang paa sa regular na basura.

Nakipag-ugnayan na ang pulisya sa ospital na pinaniniwalaang pinagmulan ng putol na paa. Dinala na rin ito pabalik sa ospital upang maayos ang tamang pagtatapon nito. RNT