MANILA, Philippines – Inilunsad ng Rakuten Viber ang bagong dating feature sa kanilang messaging app, na naglalayong mag-alok ng ligtas na matchmaking service para sa mahigit 1 bilyong gumagamit nito sa buong mundo.
Ayon kay Viber CEO Ofir Eyal, ang Viber Dating, na inilunsad noong Pebrero 14, ay naka-integrate sa mismong app, kaya’t nananatiling Viber user ang isang tao kahit makahanap na ng kapareha. Tiniyak niyang hiwalay ang dating profile sa regular na mga contact para sa pribadong paggamit.
Idinisenyo ito para sa Philippine market, kung saan mahigit 60% ng mga magkasintahan ay nagkakakilala sa pamamagitan ng dating apps. Sa kasalukuyan, nasa Beta testing phase pa ang serbisyo.
Upang matiyak ang pinakaligtas na dating experience, gumagamit ang Viber ng AI at manual moderation upang suriin at kumpirmahin ang mga profile at iwasan ang pandaraya. Kailangang i-activate ang Viber gamit ang phone number upang makagawa ng dating profile, nagbibigay ito ng dagdag na seguridad.
Ayon kay Viber APAC Senior Director David Tse, ang malawak na bilang ng mga propesyonal at beripikadong user sa app ay nagbibigay-daan sa mas maaasahang paghahanap ng seryosong relasyon. RNT