MANILA, Philippines — Umabot sa 7,777 pamilya o katumbas ng 21,945 katao ang inilikas sa mga lalawigan ng Albay, Masbate, at Catanduanes sa rehiyon ng Bicol nitong Sabado, kasabay ng pag-landfall ng Bagyong Ramil sa Gubat, Sorsogon nitong Sabado, Oktubre 18.
Ayon kay Gremil Alexis Naz, tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol, pinakamaraming evacuees ay mula sa Albay, kung saan 4,782 pamilya o 12,677 residente ang lumikas mula sa mga bayan ng Daraga, Guinobatan, Jovellar, Libon, Malilipot, at Pio Duran.
Sa Baras, Catanduanes, 2,957 pamilya o 9,135 katao ang inilikas, habang 38 pamilya o 133 katao naman ang nailipat sa ligtas na lugar sa Uson, Masbate.
Samantala, ayon sa Philippine Coast Guard, suspendido ang biyahe ng mga barko sa rehiyon bilang pag-iingat, dahilan para ma-stranded ang 3,142 pasahero, 1,004 rolling cargoes, anim na barko, at dalawang bangkang de-motor sa iba’t ibang pantalan sa Bicol.
Patuloy na binabantayan ng mga lokal na pamahalaan at ng OCD ang sitwasyon habang nagpapatuloy ang pag-ulan at malalakas na hangin dulot ng bagyo. RNT/JGC