Home METRO 23 babae, kabataan nasagip sa prostitusyon sa resort sa Tondo

23 babae, kabataan nasagip sa prostitusyon sa resort sa Tondo

MANILA, Philippines – Nasagip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagpanggap bilang kliyente sa isang resort sa Tondo, Maynila ang nasa 23 babae at mga menor de edad.

Ayon sa ulat, ang mga ito ay nagmula pa sa Pampanga, Pasig, Marikina at iba pang mga lungsod at bayan.

Ang mga biktima ay isinasangkot sa prostitusyon kung saan pinagpipilian sila ng mga kliyenteng banyaga.

Karamihan sa mga biktima ay hindi nakapagpaalam sa kanilang mga magulang kung saan iniaalok ang mga ito sa mga foreigner na makipagtalik.

Sinabi ni NBI agent Atty. Jerome Hernandez na iniimbestigahan din nila kung ang mga kliyente ng mga sex workers ay mga empleyado ng POGO.

“Normally ang mga client nila is mga banyaga, Chinese and other nationalities… Tinitignan namin ang anggulo na yun kung involved sila sa mga POGO. But normally Chinese, Koreans and other foreign nationals,” pagbabahagi ni Hernandez sa panayam ng ABSCBN News.

Samantala, nagtataka naman si NBI spokesperson Ferdinand Lavin kung bakit pinapayagan ng resort na malayang makalabas pasok ng establisyimento ang mga suspek at mga biktima.

Ang iba sa mga biktima ay mga menor de edad pa.

“We are also looking at the possibility of filing a case against the owner of the resort. Itong resort ginamit, inipon ang mga babae, if evidence warrants then we will proceed with the filing of violation of the money laundering act,” ani Lavin.

Dinala na ang mga biktima sa DSWD, kabilang ang isang suspek na menor de edad din.

Ang dalawang legally aged suspects naman ay nakakulong na at sasampahan ng kasong human trafficking. RNT/JGC