Home NATIONWIDE PITX, MMDA naghahanda sa hagupit ni Pepito

PITX, MMDA naghahanda sa hagupit ni Pepito

MANILA, Philippines – Inanunsyo na ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang kanselasyon ng 16 biyahe ng bus na patungong Bicol Region, Visayas, at Davao, dahil sa paparating na bagyong Pepito.

Ayon kay PITX corporate communications officer Kolyn Calbasa sa panayam ng ABSCBN News, nag-isyu na ng abiso ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa suspensyon ng lahat ng land trips patungong Visayas na daraan sa Matnog Port sa Sorsogon.

“As of now yung mga tatawid po ng Matnog Port na mga biyahe natin ay kanselado, dahil inaasahan nga po na malakas po yung bagyong pepito,” ani Calbasa.

“This is to inform the public that the Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), effective today, 14, November 2024, is temporarily suspending all land travel by buses and trucks for Visayas and Mindanao via Matnog Port and other areas in the Bicol region that may be affected by Tropical Cyclone Pepito,” saad sa pahayag ng LTFRB.

Samantala, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nakahanda na ang lahat ng assets at mga tauhan nito sa posibleng rescue at clearing operations dala ng Bagyong Pepito.

Nitong Biyernes, Nobyembre 15, sinabi ni Crisanto Saruca, officer-in-charge ng MMDA Public Safety Division na nakipagkita na sila sa DILG at iba pang stakeholders para paghandaan ang bagyo.

“Naka-standby na po ang ating emergency operation center, so pinaghahandaaan na po natin ang pagpasok nitong severe tropical storm Pepito sa Northern Luzon po. Naka-ready na po yung ating mobile command center, sa ngayon naka-standby na po yung ating mga personnel and resources kasama na po diyan ang Public Safety Division, ang Road Emergency Group, Sidewalk Clearing Operations Group,” ayon kay Saruca.

Nakipag-ugnayan na rin ang MMDA sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para ipaalala sa
billboard operators na pansamantalang alisin ang mga tarpaulin.

“Nakipag-ugnayan naman po ang MMDA sa DPWH for the rolldown nung ating mga billboards, ganundin po yung mga pagse-secure ng mga construction cranes at yung mga gondolas na nakakabit sa ibat-obang buildings,” paliwanag pa ni Saruca. RNT/JGC