MANILA, Philippines- Sa kabuuan ay matagumpay ang unang Traslacion para sa Peñafrancia 2024 sa Naga City noong Setyembre 13, 2024, subalit mayroon pa ring naitalang mga insidente.
Hindi bababa sa 23 deboto ang naospital matapos makaranas ng pagkahilo at masugatan.
Batay sa incident reports ng Naga City Police Office (NCPO), 11 kalalakihan at 12 kababaihan ang nakaranas ng pagkahilo habang dalawa naman ang nagtamo ng injuries.
Samantala, idineklarang dead on arrival ang isang deboto sa Bicol Medical Center (BMC) matapos malunod sa Panganiban area sa kasagsagan ng Traslacion.
Batay sa lumabas na videos online, makikita ang umano’y pagtatalo sa pagitan ng dalawang indibidwal, na pinaniniwalaang nagresulta sa drowning incident.
Kinumpirma naman ni PLTCOL Chester Pomar ng NCPO ang pagkalunod at patuloy umano ang imbestigasyon sa insidente.
“So meron po tayong isang dead on arrival sa BMC due to drowning… [sa] Panganiban area. Kinukuha pa po ang detalye as of now,” pahayag ni Pomar.
Gayunman, binigyang-diin ni Renne Gumba, Incident Commander ng Joint Operations Center, ang positibong aspeto ng 2024 procession.
“In general, naging mabilis [o] marikas su procession and medyo nabawasan su mga pasaway na voyador, daeng gayo kadtong sarong taon na nagkahiriling ta. So medyo mas maray ngunyan su dalagan kan procession,” giit ni Gumba.
Mahigit 900,000 deboto ang nagtipon sa Naga City para sa Traslacion ng Divino Rostro at Our Lady of Peñafrancia, batay sa Multi-Agency Coordination Group (MACG). RNT/SA