MANILA, Philippines- Maaaring maisama ang umano’y mga biktima ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy sa Witness Protection Program (WPP), ayon sa opisyal ng Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes.
“Pwedeng-pwede silang masama sa WPP,” pahayag ni Justice Undersecretary Nicky Ty sa isang panayam nang tanungin kung maaaring mapasama ang umano’y mga biktima sa nasabing programa.
Hinikayat ng opisyal ang mga biktima na makipag-ugnayan sa DOJ upang mai-refer sila sa WPP.
Nitong Huwebes, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na limang bagong biktima ang nagsumbong sa mga pulis hinggil sa panggagahasa umano sa kanila ni Quiboloy.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na inihayag ng mga umano’y biktima na sinabi umano sa kanilang ang pakikipagtalik kay Quiboloy ang kanilang “passes to heaven.”
“Makikipag ugnayan kami sa PNP para tignan kung handa na ba talaga ‘yung kanilang mga hawak na biktima na magkaso. Kami ay makikipag ugnay no, upang maghain ng mga bagong kaso para sa mga biktimang ito,” pahayag ni Ty.
Samantala, sinabi naman ni KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon na pawang mga alegasyon pa lamang ang mga ito na kailangang imbestigahan.
“Those are still in the realm of allegations which have yet to be investigated, hence, we appeal to the PNP NOT to subject the said new allegations to so much publicity,” pahayag niya.
“After all, presumption of innocence is an important hallmark in our Bill of Rights, hence, we earnestly request the PNP to stick to that fundamental principle in our rule of law,” dagdag ng abogado.
Nahaharap si Quiboloy sa mga kasong qualified human trafficking, kung saan matatandaang naghain siya ng not guilty plea sa Pasig court, maging child abuse case sa Quezon City court.
Gayundin, kalaboso si Quiboloy sa mga kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; conspiracy; at bulk cash smuggling sa United States. RNT/SA