Home METRO Air Force tumulong na sa pag-apula ng sunog sa Tondo

Air Force tumulong na sa pag-apula ng sunog sa Tondo

MANILA, Philippines- Itinaas na sa Task Force Bravo ang sunog na sinisikap pa ring apulahin ng mga bumbero sa bahagi ng Road 10 sa Vitas,Tondo, Maynila.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), alas-12:23 ng hapon nang magsimulang sumiklab ang sunog kung saan binalot ng makapal na usok ang kalangitan dahil sa lakas ng apoy.

Sa dami ng mga fire truck na rumesponde sa sunog ay nagdulot ng mabagal at pagsisikip ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Road 10.

Sa impormasyon, unang tinupok ng malaking sunog ang tenement building kung saan karamihan din sa mga bahay ay gawa sa kahoy kaya naman mabilis ang naging pagkalat ng apoy na sinabayan pa ng malakas na hangin.

Pahirapan ang mga bumbero sa pag-apula dahil sa lawak ng nasusunog na mga kabahayan kaya naman ang Philippine Air Force 505th Search and Rescue Brigade ay tumulong na rin sa pagpatay sa apoy.

Nagkalat naman ang mga residente sa kahabaan ng Road 10 pati ang mga gamit na kanilang mga naisalba.

Sa ngayon ay wala pang impormasyon sa dahilan ng pagsiklab ng sunog, dami ng apektadong residente at kabuuang pinsala ng sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden