Home METRO Hepe ng Lapu-Lapu City Police sinibak sa POGO hub

Hepe ng Lapu-Lapu City Police sinibak sa POGO hub

CEBU CITY- Ilang high-ranking police officers ang tinanggal sa pwesto kasunod ng pagkakadiskubre sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa loob ng isang hotel sa Barangay Agus, Lapu-Lapu City.

Ang pinakabagong sinibak ay si Col. Ali Baron, sinipa sa pwesto limang buwan pa lamang matapos siyang italaga bilang hepe ng  Lapu-Lapu City Police Office (LLCPO).

Si Lt. Col. Conrado Manatad ang magsisilbing LLCPO officer-in-charge kasunod ng pagtanggal kay Baron, ayon kay Police Lt. Col. Christian Torres, information officer ng LLCPO.

Kabilang din sa mga tinanggal sa pwesto sina Col. Marlon Santos, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-Central Visayas, at Col. Gervacio Balmaceda, hepe ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7).

Bago ito, dalawang pulis din ang sinibak– Major  Dindo Alaras, pinuno ng LLCPO Intelligence Unit at Station 4 chief Major Judith Besas.

Nagmula ang utos na tanggalin sila sa national headquarters ng Philippine National Police (PNP), base kay Lt. Col. Gerard Ace Pelare, tagapagsalita ni PRO-7 chief Brig. Gen. Anthony Aberin.

Inalis sila sa pwesto habang gumugulong ang imbestigasyon upang matukoy kung may pananagutan sila sa operasyon ng POGO hub.

“That was the reason why there were (relief) orders but the orders came from the national headquarters. We will always abide by the wisdom of our leaders in the PNP,” wika ni Pelare.

Isinagawa ang raid noong Agosto 31 ng National Bureau of Investigation, Presidential Anti-Organized Crime Commission, Department of Social Welfare and Development, Inter-Agency Council Against Trafficking, at ng Bureau of Immigration.

Naaresto ang grupo ng mga dayuhan kabilang ang Chinese, Indonesians, at Burmese sa nasabing operasyon. RNT/SA