Home NATIONWIDE 23 private armies bubuwagin ng pamahalaan

23 private armies bubuwagin ng pamahalaan

MANILA, Philippines – Pinagsisikapan na ng pamahalaan na buwagin ang nasa 23 private armies bago ang 2025 election, sinabi ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. nitong Miyerkules, Hulyo 3 sa pagsasabing karamihan sa mga ito ay mula sa Mindanao.

Mula pa noong nakaraang taon ay personal nang nakikipag-usap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa military at pulisya upang masiguro ang “very peaceful and honest elections this coming May 2025,” ani Galvez.

“Ang concentration natin is more on BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) areas,” aniya.

“Sa Abra at sa ibang areas relatively peaceful considering strong yung ating governance system doon,” dagdag pa nito.

Sa ngayon ay nasa 16 na private armies na ang nabuwag ng pamahalaan at narekober ang 100 armas sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Kumpiyansa ang mga awtoridad na madaragdagan pa ang bilang na ito sa mga susunod na buwan.

“Makakaya po namin kasi ang implementing arm po namin is yung Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP),” pagsisiguro ni Galvez.

“We are very ready.”

Sa 1987 Constitution, inaatasan ang pamahalaan na buwagin ang “private armies and other armed groups not recognized by duly constituted authority.”

Nagsasagawa rin ng komprehensibong pag-aaral ang OPAPRU at iba pang ahensya ng pamahalaan para mamonitor kung ano ang kaugnayan ng pagkakaroon ng private armies sa “peace, development and economic index” ng isang lugar.

Karamihan sa mga karahasan na namonitor sa ilang lugar ay “more on lateral, more on land conflict.”

“Ang nakita namin ditong number one is land possession, land reform kaya I’m very happy Secretary [Conrado III] Estrella is pushing for the enactment of the new agrarian reform law,” dagdag ni Galvez.

“Sa rido, mayroon tayong mechanism na ginagawa doon… na concept of rido settlement,” aniya.

“Marami doon ay competition to resource, tribal conflict at political conflict na nakikita,” dagdag ng opisyal. RNT/JGC