Home METRO Dalagang nars, patay sa mixer truck

Dalagang nars, patay sa mixer truck

MANILA, Philippines – Isang dalagang nurse ang namatay makaraang banggain at nagulungan pa ng mixer truck ang minamanehong motor nito sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy Tubuan, Silang, Cavite.

Kinilala ang biktima na si alyas Olivia, 30, dalaga, Company Nurse ng CCA, Las Pinas City.

Kaagad namang naisugod sa Silang Specialist Medical Center (SSMD) ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na si alyas Arjhun, 23 ng Brgy Acacia, Silang, Cavite at driver ng isang Mixer Truck na may plakang NHF 9388.

Batay sa report, bandang alas-12:34 ng gabi nang naganap ang insidente kung saan sakay ang biktima ng Nmax na motor nito at kapwa binabagtas ang Aguinaldo Highway, Brgy. Tubuan ng nasabing bayan.

Base sa imbestigasyon, kapwa binabagtas ng biktima at suspek ang nasabing lugar galing sa timog patungong north direction ng Dasmarinas City, Cavite.

Okupado umano ng biktima ang outer lane habang ang suspek naman sa inner lane.

Pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, bigla umanong pumihit sa kanang lane ang driver ng Mixer truck at naokupa nito ang lane ng biktima na naging sanhi ng aksidente.

Dito na na-out balance ang motor ng biktima hanggang sa nagulungan pa ng nasabing truck na naging sanhi ng kamatayan nito.

Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide ang driver ng nasabing mixer truck. Margie Bautista