Home NATIONWIDE Binay: Gusot ng Taguig-Makati sumasabit sa isyu ng New Senate Building

Binay: Gusot ng Taguig-Makati sumasabit sa isyu ng New Senate Building

Nagtalo sina Senador Nancy Binay at Senador Alan Cayetano sa pagdinig ng Senado sa P21.7B project para sa bagong Senate building. CESAR MORALES

MANILA, Philippines – Hindi maialis ni Senador Nancy Binay sa isipan na may kinalaman ang pagdinig sa nirerebyung gastusin sa New Senate Building (NSB) sa umiinit na gusot sa teritoryo ng Makati at Taguig.

Sa panayam, sinabi ni Binay na mukhang lumilitaw ang isyu ng sigalot ng Makati at Taguig sa pinagtatalunang teritoryo sa umiinit na rebyu sa NSB dahil nakaplano itong tumakbo sa lungsod.

“Alam mo nung umpisa ayaw kong isipin na may ganung anggulo eh, pero habang tumatagal parang bumabalik pa rin tayo dun sa Taguig-Makati issue. Lalong-lalo na di ba na parang alam naman na iniisip natin na tumakbong local,” ayon kay Binay.

Sinabi ni Binay na lumitaw ang ideya na ito sa kanyang kaisipan kahit hindi pa nakikipag-usap si Senate Accounts Committee chairperson, Senator Alan Peter Cayetano sa team na namamahala sa NSB para sa maayos na turnover.

Para kay Binay, dapat pangkaraniwang pupulungin ng bagong itinalagang hepe ng posisyon ang lahat ng staff kasama ang taong sangkot upang maipakilala siya na mangunguna sa komite.

“Wala pang ganun, it’s more than a month. Hindi niya pa kilala kung sino yung mga tao na nagtatapos ng building,” ayon kay Binay.

“So kung ganun action niya, di ba pwedeng sa malikot na isip pwede mo isipin ano ba talagang intention niya di ba? Kasi bakit kailangan magkaroon, magpatawag ng hearing kaagad?,” giit pa niya.

Nagsasagawa ng pagdinig si Cayetano habang isinusulat ang balitang ito na iginigisa ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa ilang rebisyon sa badyet.

Tiniyak ni Cayetano na walang papanigan at magkakaroon ng impartial review sa New Senate building.

Ayon kay Cayetano, ilang beses nang kinalampag ang DPWH simula nong Hunyo 14, 2024 na magsumite ng lahat ng dokumento na kaugnay sa pagtatayo ng gusali ngunit nabigo ang ahensiya.

“Consequently, we have formally requested Secretary Manuel Bonoan for these documents to be submitted no later than Monday, July 1, 2024. This timeline allows committee members adequate time to review the materials thoroughly ahead of Wednesday’s hearing,” aniya.

Pero, sinabi ni Binay na nasa Senado ang lahat ng kinakailangang dokumento ni Cayetano kung gusto nitong pag-aralan ang proseso sa pagtatayo ng naturang gusali.

“But yun na nga eh, hindi niya ako tinanong so nag-aantay din ako kasi may mga ibang data nasa cloud. So on my end kailangan ko din malaman sino ba yung bibigyan namin ng access to the cloud or yung mga ganung dokumento. And so far parang wala pang ganung transition and turnover kasi nga babalik na naman tayo dun sa hindi pa niya ako kinakausap,” ayon kay Binay.

Tiniyak din ni Binay na kanyang imomonitor ang pagdinig matapos malaman na tinanggal siya bilang miyembro ng Senate committee on accounts. Walang binanggit si Binay kung bakit siya tinanggal sa komite.

“Magmomonitor muna tayo tingnan natin kung ano ba yung nagiging direksyon kung kinakailangan ba talaga akong bumaba dun or tingnan natin kasi baka nga yung hearing tomorrow would be an opportunity para makapagusap kami,” ayon kay Binay. Ernie Reyes