MANILA, Philippines – Inihayag ng Bureau of Fire Protection (BFP) noong Linggo na may dagdag na anim na sunog na dulot ng paputok ngayong Disyembre, kaya umabot na sa kabuuang 23 insidente sa buong bansa mula Enero 1.
“This December alone, we have recorded an additional six fire incidents related to firecrackers and pyrotechnics. So, from the existing 17 recorded since January 1, plus the six from this month, we are now monitoring a total of 23 fires related to firecrackers and pyrotechnics,” sabi ni Fire Supt. Anthony Arroyo, BFP Public Information Service Chief, sa Super Radyo dzBB.
Sinabi ng BFP na ang mga insidente ay naitala sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at naka-standby ang kanilang personnel sa mga fire-prone areas upang mabilis na makaresponde.
“Dahil identified na natin yung mga fire-prone areas, kaya naka-preposition na yung mga tao natin doon, para maka-responde na agad,” dagdag ni Arroyo.
Binantayan din ng BFP ang mga firecracker stores, lalo na sa Bocaue, Bulacan, kung saan nakaantabay ang kanilang tauhan 24/7 at nagbibigay ng paalala para maiwasan ang aksidente.
Samantala, naitala ng Department of Health ang 112 kaso ng pinsala dahil sa paputok mula Disyembre 21 hanggang 28, na ang pinakamarami ay sa Metro Manila na umabot sa 52 kaso.
Ipinaplanong itutok ng Philippine National Police ang bentahan ng paputok sa mga centralized at designated markets upang masiguro ang kaligtasan ng publiko ngayong Bagong Taon. RNT/MND