Home NATIONWIDE 23K food packs ipinuwesto na sa Batanes vs hagupit ni Inday

23K food packs ipinuwesto na sa Batanes vs hagupit ni Inday

1
0

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development nitong Miyerkoles na handa itong magbigay ng augmentation assistance sa mga lokal na pamahalaang posibleng maapektuhan ng Super Typhoon Inday, na may international name na Bavi.

Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao ng DSWD Disaster Response Management Group, mahigit 4.7 milyong family food packs na ang naka-preposition sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Nakahanda tayo na umalalay sa mga local government units (LGUs) na maaring maapektuhan nitong si Bagyong Inday. Sa katunayan mayroong tayong higit 4.7 million family food packs (FFPs) yung naka-prepositioned sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa,” pahayag ni Dumlao sa isang panayam sa radyo.

Sinabi ni Dumlao na nakapaglagay na rin ang DSWD ng ready-to-eat food boxes sa mga pangunahing pantalan sa bansa, gayundin ng non-food items, upang matiyak na nasa ground na ang relief goods at handa nang ipamahagi sakaling mangailangan ng karagdagang tulong ang mga LGU.

“Tayo rin po ay nakapag-preposition na ng mga ready-to-eat food (RTEF) boxes sa mga major ports across the country, and mayroon na rin po tayong mga non-food items na naka-prepositioned. Sa madaling salita ang mga goods po o ang mga relief goods ng DSWD ay nasa ground na po and ready for distribution in case kakailanganin po ng karagdagang tulong [ng LGUs],” ani Dumlao.

Ayon pa kay Dumlao, natapos na ng ahensya ang pagpapadala ng karagdagang family food packs sa Batanes, isa sa mga lugar na inaasahang maaapektuhan ni Inday.

“Nakumpleto na rin po natin yung pagpapadala ng karagdagang goods dyan nga po sa Batanes kasi nakita natin na isa ito doon sa mga maaapektuhan. Ang full capacity natin diyan nasa more than 20,000 [FFPs], in fact, more than 23,000 [FFPs] ang nasa Batanes na po,” sabi niya.

Sa Region 1 o Ilocos Region, may mahigit 105,000 family food packs ang DSWD, habang mahigit 217,000 family food packs naman ang naka-preposition sa iba’t ibang warehouses sa Region 2 o Cagayan Valley.

Sinabi ng DSWD na ang paghahanda ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bumuo ng dalawang resilient supply chains sa panahon ng kalamidad sa ilalim ng Buong Bansa Handa initiative, na nag-uugnay sa kakayahan ng public at private sectors para sa mas mabilis na disaster response.

Sa ilalim ng inisyatiba, may framework agreements ang DSWD sa iba’t ibang suppliers na maaaring gamitin anumang oras upang madagdagan ang relief goods para sa mga apektadong lokalidad. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here