LAPU-LAPU CITY, Cebu — Natukoy at nahuli ng mga awtoridad ang isang 17-anyos na Grade 12 student na umano’y nag-post ng online school shooting threat laban sa Nemesio-Epifania Taneo Memorial High School sa Barangay Tingo, Olango Island, Lapu-Lapu City.
Sa Facebook post nitong Miyerkoles, Hulyo 8, sinabi ni Mayor Ma. Cynthia “Cindi” King-Chan na natunton ang menor de edad sa tulong ng Station 1 ng Lapu-Lapu City Police Office, City Social Welfare and Development Office, barangay officials, Department of Education, at principal ng paaralan.
Ayon kay King-Chan, inamin ng menor de edad na ipinost niya ang banta upang masuspinde ang klase at ginaya lamang umano niya ang kaparehong insidente sa Talisay City.
“Apan, nasabtan ra sa maong menor de edad ang kalapasan nga iyang nabuhat nga nakamugna og dakong kahadlok ug kabalaka sa mga katawhan,” pahayag ni King-Chan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Women and Children Protection Desk ang menor de edad.
Isasailalim din siya sa intervention sa pamamagitan ng Violence Against Women and Children Desk ng Barangay Talima, CSWDO, at DepEd upang matiyak na maipagpapatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng modular learning.
Kasunod ng insidente, hinimok ni King-Chan ang mga Oponganon na maging responsable sa paggamit ng social media.
“Sa atong teknolohiya karon, dali ra matoltol ang mga accounts nga milapas sa atong balaud bisan pa gamit ang dummy account,” ani King-Chan.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na iwasang mag-post ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng kaguluhan, takot, at pagkabahala. Mary Anne Sapico