Home NATIONWIDE 24/7 help desks sa mga terminal, iniutos ni PBBM; presensya ng pulis...

24/7 help desks sa mga terminal, iniutos ni PBBM; presensya ng pulis sinigurado ngayong Undas

3
0

MANILA, Philippines – Iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglalagay ng 24/7 help desks sa mga pangunahing terminal mula Okt. 29 hanggang Nob. 3 upang matiyak ang agarang pagtulong sa mga biyahero ngayong Undas.

Sa kanyang video message, araw ng Biyernes, sinabi ng Pangulo na magbibigay ng tulong ang mga help desk sa mga pasaherong inaasahang dadagsa sa mga terminal sa panahon ng Undas.

“Kasabay ng pagdagsa ng mga pasahero, magkakaroon ng round-the-clock help desks sa mga pangunahing terminal mula October 29 hanggang November 3 upang umalalay sa mga biyahero,” ayon sa Pangulo.

Bahagi ito ng paghahanda ng pamahalaan upang matiyak ang ligtas, maayos at maginhawang paglalakbay ng mga Pilipinong uuwi sa kanilang mga probinsya upang gunitain ang Undas at dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Kasabay nito, nagsasagawa rin ang pamahalaan ng mga inspeksyon sa mga paliparan, pantalan at bus terminal upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Naghahanda rin ang mga kaukulang ahensya ng karagdagang transportasyon upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga biyahero at maiwasan ang pagsisikip sa mga terminal.

Dumadagsa ang mga Pilipino sa mga sementeryo sa buong bansa tuwing Nob. 1, Araw ng mga Santo, at Nob. 2, Araw ng mga Kaluluwa, upang alalahanin at ipagdasal ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Samantala, tiniyak ni Pangulong Marcos ang presensya ng mga pulis sa mga sementeryo at kolumbaryo upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa paggunita ng Undas.

Sinabi ng Pangulo na pinalalakas ng pamahalaan ang mga hakbang sa seguridad sa mga sementeryo, simbahan at iba pang pampublikong lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao.

“Tiniyak natin na bawat sementeryo at kolumbaryo ay may pulis upang siguruhin ang kaligtasan at kaayusan,” ayon sa Pangulo.

Nakaantabay din ang Bureau of Fire Protection (BFP) upang rumesponde sa mga insidenteng may kaugnayan sa sunog.

Patuloy din ang inspeksyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa mga sementeryo, simbahan at iba pang pampublikong lugar upang matiyak na ligtas at handa ang mga ito sa pagdagsa ng mga bisita.

Nakaalerto rin ang mga ospital at health emergency team, habang patuloy ang koordinasyon ng mga pambansang ahensya at lokal na pamahalaan upang maseguro ang agarang pagtugon sa anumang emergency. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here