TINIYAK ni dating Manila Mayor at ngayo’y kandidato bilang alkalde ng Lungsod ng Maynila na si Isko Moreno Domagoso na ibabalik nito ang walang tulugang estilo ng pamamahala sa kabisera ng bansa kung saan 24/7 ang ibibigay na serbisyo ng lokal na pamahalaang lungsod sa lahat ng Manilenyo.
“Ibabalik ko ang gobyerno na hindi natutulog,” ani Domagoso kung saan inalala nito ang kanyang pamumuno bilang alkalde na siya mismo ang umiikot sa lungsod tuwing madaling araw upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
“For the first time, nakakita kayo ng mayor na 1AM hanggang 3AM nag-iikot pa sa lungsod ng Maynila to make our people feel, habang natutulog sila sa kanilang pamamahay, may gobyerno sa lungsod ng Maynila, 24 oras sa minamahal nating kapitolyo,” dagdag pa niya.
Ang kandidato sa pagka-mayor, na dating punong ehekutibo ng kabisera ng bansa, ay nakatanggap ng malawak na suporta dahil sa kanyang mga sorpresang pag-iinspeksyon tuwing dis-oras ng gabi sa mga istasyon ng pulisya, ospital, at mga pampublikong parke sa lungsod.
Tiniyak din ni Domagoso sa mga may-ari ng negosyo na mananatiling magaan at patas ang kapaligiran para sa mga negosyo sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ipinangako niyang ibabalik ang isang pro-business na klima sa kabisera na malaya sa pang-aabuso at red tape.
“I will assure you, you are welcome with ease to go back to the city of Manila and do your business in the city of Manila,” sabi niya sa mga negosyante gayundin sa mga samahan ng mga negosyante sa Maynila.
Binigyang-diin ni Domagoso ang kanyang pangako na protektahan ang mga mamumuhunan at negosyante laban sa pang-aabuso ng gobyerno, at sinabi, “Under my watch, walang mang-aapi sa inyong taong gobyerno ng lungsod ng Maynila.” JR Reyes