DENR Bumuo ng Task Force para sa Pangangalaga ng Kalikasan ng Karagatan
MANILA, Philippines – Bumuo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng isang task force na magpapatibay sa mga polisiya at programang naglalayong protektahan ang karagatan ng Pilipinas.
Ayon kay DENR Undersecretary for Policy, Planning, and International Affairs Jonas Leones, inilabas ni DENR Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga ang Special Order No. 2025-98 na nagtatatag ng Ocean Environments Task Force (OETF). Suportado ang grupong ito ng apat na nangungunang marine scientists ng bansa at layong pag-isahin ang mga polisiya at programang pangkaragatan sa pamamagitan ng masusing konsultasyon at kolaborasyon.
Kasabay nito, magtatayo ang DENR ng walong bagong marine scientific research stations sa buong bansa upang palakasin ang pagdiskubre, kolaborasyon, at inobasyon kasama ang mga institusyon ng mas mataas na edukasyon, mga ahensyang pampamahalaan, at pribadong sektor.
Dagdag pa ni DENR Undersecretary for Finance, Information Systems, and Climate Change Annaliza Teh, magiging daan din ang OETF sa pagbuo ng isang Ocean Environments Bureau. Tungkulin ng task force na bumuo ng polisiya para sa pangangalaga ng karagatan, isama ang siyentipikong payo sa paghubog ng mga programa, at tiyakin ang maayos na koordinasyon at konsultasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno.
Ang hakbang na ito ay pagpapatuloy ng naunang mga pagsisikap na palakasin ang proteksyon sa karagatan. Noong 2022, lumagda ang DENR at Philippine Coast Guard ng kasunduan para sa sama-samang marine protection activities tulad ng coastal at underwater cleanups, water quality monitoring, at wildlife protection. Santi Celario