BAGUIO CITY – Naabo ang nasa 24 na ektarya ng kagubatan sa kabiserang bayan ng Bontoc matapos na sumiklab sa kagubatan nito ang nasa 21 sunog simula nitong Enero.
“Karamihan sa mga insidente ng sunog ay dahil sa kapabayaan, pagsunog ng mga damo na inalis nila (mga residente) sa kanilang paligid at sakahan, pagsunog ng mga basura, at kaingin (slash-and-burn farming),” sinabi ni Mayor Jerome Chagsen Tudlong Jr. sa Philippines News Agency.
Isang forest fire ang naiulat sa Balili, Bontoc noong Lunes ng umaga at idineklara ang fire-out sa hapon ng parehong araw.
Muli namang nasunog ito ng madaling araw, na nakaapekto sa mga kagubatan sa kalapit na Barangay Alab.
Idineklara itong fire-out bandang tanghali matapos ang sama-samang pagsisikap ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection mula Bontoc, Sagada, at Sabangan, gayundin ng mga residente at opisyal ng barangay, ani Tudlong.
“Sana wala nang reignition. Ang nakikita lang nating problema, hindi maabot ang bangin ng kagubatan, at imposibleng gumawa ng fire lanes para hindi gumapang at kumalat ang apoy sa ibang lugar,” aniya pa.
“Ang aming mga bumbero ay nananatili sa malapit na nagbabantay para sa posibleng muling pag-aapoy sa mga lugar na hindi namin nalagyan ng fire lane.” RNT