MANILA, Philippines – Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr at katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), pinangunahan ng Kamara ang “Tabang Bikol, Tindog Oragon” relief initiative.
Bahagi ng inisyatiba ang pagpapadala ng 24 na trak na puno ng relief goods at P750 milyong halaga ng pinansyal na tulong para sa mga lugar na naapektuhan ng hagupit ng bagyo.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, ang mga trak ay aalis ngayong araw patungong Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, at Catanduanes.
Kabilang sa nakapaloob sa inisyatiba ang:
1. Financial assistance payouts: Magsisimula sa Nobyembre 18 ang pamamahagi ng pinansyal na tulong sa ilalim ng Assistance for Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD sa mahigit 150,000 benepisyaryo sa buong rehiyon.
2. Mini-Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF): Sa Nobyembre 21 ay isasagawa ang mga mini-BPSF event upang magbigay ng pangunahing serbisyo ng iba’t ibang ahensya ang mga residente, kabilang na ang mga programa sa pabahay, pang-kalusugan, at kabuhayan. Gaganapin ito sa Jessie Robredo Coliseum sa Naga City, Ka-Fuerte Sports Complex sa Pili, at BUPC Gymnasium sa Polangui, kung saan inaasahang makikinabang ang 10,000 katao sa bawat lugar.
3. Pamamahagi ng mga ayuda: Isang convoy ng 24 na truck na naglalaman ng mga pagkain, hygiene kits, damit, at iba pang mahahalagang gamit ang aalis mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong araw, Nobyembre 18, upang maghatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.
Sinabi ni Romualdez na ang proyektong ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng Kamara sa isang komprehensibo pamamaraan upang agad na makabangon ang mga nasalanta.
Ani Romualdez mahalaga ang mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima habang tinitiyak ang pangmatagalang pag-unlad para sa mga apektadong komunidad,
“Ito ang ating natutunan sa mga nagdaang bagyo, na ang response and recovery ay dapat mabilis. Dapat naihahatid agad ang tulong sa ating mga apektadong komunidad at dapat ito rin ay hindi lamang pantawid sa nangyari kundi kasama ang tulong sa pagbangon mula sa epekto ng bagyo,” paliwanag ni Romualdez.
Ang “Tabang Bikol, Tindog Oragon” ay nagpapakita ng dedikasyon ng gobyerno na tiyakin na walang pamilya ang maiiwan sa kanilang pagbangon. Gail Mendoza