Hindi na ipinag-uutos ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpaparehistro ng mga pribadong account na nag-eendorso ng mga kandidato para sa 2025 national at local elections (NLE).
Sa inilabas na resolusyon nitong Lunes, inamyenda ng poll body ang Resolution No. 11064 na nag-aatas ng pagpaparehistro ng lahat ng opisyal na social media account at pages, website, podcast, blog, vlog, at iba pang online at internet-based na campaign platform ng mga kandidato, partido, kanilang mga campaign team pati na rin ang mga pribadong indibidwal o entity, na nag-eendorso sa halalan o pagkatalo ng isang kandidato sa halalan sa susunod na taon.
“Only the candidates and their authorized representatives, as well as authorized representatives of registered political parties/coalitions, and party-list organizations, may submit their registration forms for their official social media accounts and pages, websites, podcasts, blogs/vlogs, and other online and internet-based campaign platforms,” ayon sa inamyendahang resolusyon.
Sa inamyendahang Resolution No. 11064, inalis din ang kinakailangang pagsusumite ng mga pribadong indibidwal ng notarized affidavit na nanunumpa na hindi isusulong ang maling paggamit ng social media at online na kampanya sa halalan, gayundin ang mga parusang ibinigay para sa kanilang hindi pagsunod.
Itinakda ng Comelec ang deadline ng registration sa Disyembre 13,2024.
Nauna nang nagpadala ng liham ang Makabayan bloc sa House of Representatives sa Comelec na nagpahayag ng pagkabahala sa ilan sa mga probisyon ng Resolution 11064, kabilang ang mandatoryong pagpaparehistro ng social media accounts, websites, digital at Internet-based campaign platforms ng mga kandidato, partido, at kanilang mga tagasuporta, na nagsasabing “maaaring makaapekto ito sa kalayaan sa pagpapahayag.” (Jocelyn Tabangcura-Domenden)