Home ENTERTAINMENT John Lloyd, wagi bilang best performer sa QCinema12!

John Lloyd, wagi bilang best performer sa QCinema12!

Manila, Philippines – Sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Novotel Hotel sa Quezon City, inanunsyo ang mga nagwagi sa ika-12 edisyon ng QCinema International Film Festival.

Nagwaging best performer si John Lloyd Cruz para sa kanyang pagganap sa pelikulang “Moneyslapper” ni Bor Ocampo.

Kahati niya sa nasabing award ang Indonesian actress na si Shenina Cinnamonfor ng “Tale of the Land” ni Loeloe Hendra ng Indonesia.

Nag-uwi naman ng top prize sa main competition sa kategoryang Asian Next Wave ang Vietnam-set film na “Viet and Nam” ni Trương Minh Quý.

Ang nasabing pelikula na nag-premiere sa Cannes Un Certain Regard ay iprinudyus ng Epic Media at kolaborasyon ng Pilipinas, Vietnam, Singapore, France, Netherlands, Germany, Italy at USA.

Panalo rin ang isa pang Vietnamese filmmaker na si  Dương Diệu Linh na nagwagi ng Grand Jury Prize sa kanyang debut na “Don’t Cry Butterfly”.

Ang documentary na “Mistress Dispeller”naman ang nagwagi ng best director award para kay Elizabeth Lo.

Ito rin ang kauna-unahang documentary na naging kalahok sa Asian Next Wave competition sa bansa.

Ang best screenplay award naman ay ipinagkaloob kay Neo Sara ng Japan para sa kanyang obrang “Happyend”.

Ibinigay naman ang tropeo para sa  Artistic Achievement Award for Production Design kina Marcus Cheng at Hsu Kuei-Ting sa Taiwanese-Poland-Singapore coproduction na “Pierce” ni Nelicia Low.

Sa mga bago namang competition sections tulad ng New Horizons na ipinakilala ngayong taon,, wagi ang “Toxic” ng Lithuanian director na si Saulé Bliuvaité  bilang Best First Film samantalang tinanghal namang NETPAC Awardee for Best Asian First Film ang pelikulang “Cu Li Never Cries” ni Pham Ngoc Lân ng Vietnam.

Recipient naman ng RainbowQC Prize ang “Baby” ni Marcelo Caetano mula Brazil at “Sebastian” ng British-Finnish director na si Mikko Mäkelä.

Special mention naman ang ibinigay sa Japanese entry na “My Sunshine” ni  Hiroshi Okuyama.

Sa QCShorts International competition, tinanghal namang Best Short Film ang QCinema-produced title na “Kinakausap ni Celso ang Diyos” ni Gilb Baldoza samantalang nasungkit naman ng WAShhh ni Mickey Lai ng Malaysia at Ireland ang Jury Prize.

Kinilala naman bilang special mention ang  Are We Still Friends? ni Al Ridwan samantalang wagi naman ng gender sensitivity award ang RAMPAGE! (o ang parada) ni Kukay Bautista Zinampan.

Wagi naman ng QCinema Critics Lab Young Critics Prize ang  Here We Are ni Chanasorn Chaikitiporn.

Ipinagkaloob naman ang Alexis Tioseco and Nika Bohinc Award for Film Criticism sa Visayan film programmer na si  Ligaya Villablanca.  Archie Liao