Home NATIONWIDE PBBM sa mga Pinoy: Mga biktima ng bagyo, alalahanin ngayong Pasko

PBBM sa mga Pinoy: Mga biktima ng bagyo, alalahanin ngayong Pasko

HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Filipino, araw ng Lunes na alalahanin ang mga biktima ng bagyo at paghihirap ng mga ito ngayong Kapaskuhan.

“Sana naman pagkadating ng Pasko, tayong mga Pilipino, alalahanin natin ang ating mga kababayan na nasalanta,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Inihayag ito ng Pangulo sa sidelines ng 49th National Prayer Breakfast sa Palasyo ng Malakanyang.

“At kahit papaano sana ‘yung ating (mga relief goods) gawing pamasko, ipamahagi na lang natin sa kanila. Kawawa naman at sila’y naghihirap,” ang sinabi pa ng Chief Executive.

Aniya pa, nagsisimula na ang gobyerno ng rescue operations habang nagpapatuloy naman ang relief efforts sa mga biktima ng bagyo.

Tinuran pa nito na nagsisimula na ang pamahalaan sa ‘rebuilding efforts’ ilang araw na lamang bago mag-Pasko.

Labis namang ikinalungkot ng Pangulo ang nag-iisang nasawi sa Camarines Norte sa panahon ng bagyo.

Samantala, pinasalamantan ni Pangulong Marcos ang lahat ng naging ‘first responders’ at local government units (LGUs) na tumulong para pagaanin ang epekto ng Super Typhoon Pepito nitong weekend.

Sa isang media interview, araw ng Lunes, Nobyembre 18, pinuri ni Pangulong Marcos ang mga first responders para sa “working hard as they can” sa kabila ng matinding pagod dulot ng serye ng bagyo sa bansa.

“Kailangan pasalamatan natin lahat ng mga first responder, ‘yung mga LGU, lahat ng mga nagtatrabaho. Pang-anim na (bagyo) na nila ito,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag sa isinagawang 49th Philippine National Prayer Breakfast.

“I’m sure that they are exhausted. I am sure that they continue to do and work as hard as they can. Kaya’t tayo po’y nagpapasalamat sa kanila,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Pinasalamatan din ng Pangulo ang mga ordinaryong mamamayan para sa kanilang pagiging bigilante at kahandaan laban sa epekto ni Pepito.

Samantala, ikinalungkot naman ng Pangulo ang napaulat na nasawi sa Camarines Norte. Kris Jose