MANILA, Philippines – Nag-alok ang House good government and public accountability panel ng P1 milyon na reward para sa anumang impormasyon tungkol kay “Mary Grace Piattos” na ang pirma ang pinakamaraming lumabas sa acknowledgement receipts para sa confidential funds ng mga opisina sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Zambales Representative Jeff Khonghun, panel vice chairman, ang anunsyo matapos i-dismiss ni Duterte ang patuloy na pagtatanong sa paggamit ng budget ng OVP at Department of Education (DepEd), sa ilalim ng kanyang tungkulin, bilang politically motivated kaysa sa pagtulong sa batas.
“[Mahalaga] na malaman natin kung ano ang iyong katotohanan. Napaka-importante na ‘yung mga tao mismo na tumanggap ng pondo, pumirma sa acknowledgment receipt, eh makausap at maka-attend ng hearing. Isa na nga dito, si Mary Grace Piattos. Kaya nag-usap-usap kami ng mga miyembro para mag-come up ng P1 million para ibigay kung sinuman ang may alam ng kinaroroonan ni Mary Grace Piattos,” ani Khonghun sa isang press conference.
Nauna nang ibinunyag na ang OVP at DepEd ay nagsumite ng mga dokumentong may maling petsa, mga pirma na walang pangalan ng mga lumagda, at hindi nababasang pangalan ng mga lumagda upang bigyang-katwiran ang disbursement ng confidential funds nito noong 2022 at 2023.
Sinabi ng auditor ng COA na si Gloria Camora na maraming acknowledgement receipts ang napetsahan noong December 2023 ngunit wala silang data sa eksaktong numero. Sinabi niya na mayroon ding mga walang petsang AR.
Dagdag pa, kinumpirma ng COA na mayroong 787 acknowledgment receipts na may hindi pinangalanang signatories at 302 ARs na may hindi nababasang pangalan ng mga signatories na isinumite ng OVP at DepEd para bigyang-katwiran ang paggamit nito ng confidential fund noong 2023
Sa pagdinig, tinanong ni Antipolo Rep. Romeo Acop ang COA kung kumbinsido ito na si “Mary Grace Piattos” ay talagang lehitimong pumirma, sumagot si Camora ng COA’s Intelligence and Confidential Funds Audit Office, “Ito ay maaaring isang tao.”
Gayundin, sinabi ni Camora na ang pangalan ng nasabing signatory sa mga acknowledgement receipts ay lumilitaw na ang spelling ay Mary Grace Piyaty, kaysa sa Piattos na katulad ng isang sikat na junk food. RNT