CEBU CITY-HINDI inakala ng isang neneng na ang pagpunta nito sa sayawan sa kanilang barangay ay kanyang ikapapahamak matapos pinagtulungan gahasain ng dalawang construction worker, Linggo ng madaling araw sa bayan ng Dalaguete.
Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Dalaguete Municipal Police Station, ang 20 at 31 anyos ng mga suspek na hindi pinangalanan.
Ayon kay P/Maj. Vincent Awit Zozobrado, hepe ng Dalaguete Municipal Police Station, personal na nagtungo sa kanilang himpilan ang grade 10-student na biktima kasama ang mga magulang para pormal na magsampa ng kaso laban sa mga suspek.
Base sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalan Gina, bandang 1:00 AM ng Linggo, nang maganap ang insidente sa madilim na bahagi ng naturang lungsod.
Aniya, naglalakad siya pauwi sa kanilang tahanan matapos dumalo sa sayawan at nakipag-inuman ng bigla na lamang siyang hilahin ng mga suspek at dinala sa madilim na bahagi saka halinhinang ginahasa.
Hanggang sa nakaraos ang mga suspek at tumakas ang mga ito habang umuwi naman ang kanilang bahay at nagsumbong sa kanyang Ate at mga magulang tungkol sa ginawang panggagahasa sa kanya ng mga suspek.
Agad naman naglatag na hot pursuit operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek at positibong kinilala ang mga ito ng biktima.
Sinamahan naman ng mga tauhan ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang biktima sa pink room sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) Cebu para isailalim sa eksaminasyon habang inihanda na ang kasong isasampa laban sa mga suspek./Mary Anne Sapico