Home NATIONWIDE 244 dayuhan nasabat sa ilegal na POGO hub sa Zamboanga Sibugay

244 dayuhan nasabat sa ilegal na POGO hub sa Zamboanga Sibugay

2
0

MANILA, Philippines — Umabot sa 244 dayuhang mostly Chinese nationals ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa magkahiwalay na operasyon laban sa umano’y ilegal na POGO-related activities sa Zamboanga Sibugay.

Isinagawa ang operasyon noong Oktubre 2 sa Barangay Kimos, Siay at Barangay Tandiong Muslim, Alicia, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa Siay, 113 dayuhan ang nasakote, kabilang ang 110 Chinese, dalawang Cambodian at isang Hong Kong national. Samantala, 131 dayuhan naman ang naaresto sa Alicia, karamihan ay Chinese at mayroon ding mga Malaysian, Indonesian at Myanmar nationals.

Ayon sa BI, iniimbestigahan ang mga naaresto dahil sa posibleng paglabag sa immigration laws, kabilang ang pagtatrabaho nang walang kaukulang work visa, pagiging undocumented at umano’y pagkakasangkot sa ilegal na online activities na may kaugnayan sa POGO.

Mas naging kapansin-pansin sa operasyon ang dami ng nakumpiskang kagamitan. Sa isang compound sa Casa de Coco Pension House, nakuha ang 78 computer monitors, nasa 3,000 cellphone, mga laptop at SIM card, bukod pa sa iba pang technical devices na pinaniniwalaang ginamit sa online scams.

Sinabi ng BI na bahagi ito ng pagpapatupad sa Executive Order No. 74, series of 2024, na nagbabawal sa POGO operations, at Republic Act No. 12312 o Anti-POGO Act of 2025.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, patuloy nilang huhulihin ang mga dayuhang lumalabag sa immigration laws at sisiguraduhing hindi magagamit ang bansa bilang base ng ilegal na aktibidad.

Nakikipag-ugnayan din ang BI sa iba pang law enforcement agencies para matukoy kung may human trafficking violations sa likod ng operasyon.

Ang mga naaresto ay sasailalim sa kaukulang deportation proceedings. Kapag naglabas ng deportation order, ilalagay sa BI blacklist ang kanilang mga pangalan upang hindi na muling makapasok sa Pilipinas. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here