Home METRO 250 daycare parents tumanggap ng rice aid sa Manila

250 daycare parents tumanggap ng rice aid sa Manila

1
0

MANILA, Philippines — Umabot sa 250 daycare parents mula sa Districts V at VI at Baseco ang tumanggap ng tig-3 kilo ng bigas sa ilalim ng Rice for Work Program ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila nitong Setyembre 10 sa Dakota Court, President Quirino Avenue, Malate.

Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang distribusyon ng ayuda na may temang “Kaagapay sa Hapag-Kainan.”

Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng tatlong kilo ng bigas ang bawat kwalipikadong benepisyaryo kapalit ng kanilang pakikilahok sa community clean-up at iba pang environmental activities.

“Puwede bang tulungan ninyo ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na maglinis ng ating kapaligiran. Naglinis ka na, kapaki-pakinabang na ang oras mo. Pag-uwi mo, may chi-cha ka pa,” ani Domagoso.

Kasama ni Domagoso sa aktibidad sina Vice Mayor Angela Lei “Chi” Atienza at Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay dela Fuente.

Ayon sa city government, tatakbo ang ikalawang batch ng Rice for Work Program mula Setyembre 10 hanggang 21, kung saan isasagawa ang community clean-up at environmental activities tuwing Martes at Huwebes.

Layunin ng programa na makatulong sa agarang pangangailangan sa pagkain ng mga pamilyang nangangailangan habang hinihikayat ang mga Manileño na makibahagi sa pagpapanatili ng kalinisan at kaligtasan ng kanilang mga komunidad.

Bukod sa ayuda, itinataguyod din ng Rice for Work ang volunteerism, civic responsibility at diwa ng bayanihan sa hanay ng mga residente ng Maynila.

Hinimok din ni Domagoso ang mga magulang na tumulong sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa leptospirosis, lalo na ngayong patuloy na banta ang sakit kasunod ng pagbaha at matinding pag-ulan.

Binigyang-diin ng alkalde na mahalaga ang mabilis at tamang impormasyon upang maprotektahan ang mga pamilya at komunidad laban sa leptospirosis. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here